Itong
barkadahan, na pinamumunuan nang unang panahon ng ating tunay na mga kaibigan
niyaong hindi pa lumalaganap sa mga lupaing ito ang mga traydor, ay nabubuhay
sa lubos na kasiyahan, at katahimikan. Katropa niya ang mga makwela at lalung-lalo
na ang mga kalog, sila’y kakwentuhan at kapalitan ng mga tsismis, mabilis ang
paglago ng lahat ng pagkakaintindihan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaalaman
ng lahat, bata’t matanda at kahit sinong mga babae ay marunong makisama at makihalubilo
ng talagang nagpapakatotoo nating mga kaibigan. Dumating ang mga plastik at hiniling
na makipagkaibigan. Sa magaling nilang pambobola na diumano, tayo’y dadalhin sa
lalong kabutihan at lalong pagtitibayin ang ating samahan, ang nasabing mga
tunay na kaibigan ay nangyaring nadala sa tamis ng kanilang dila sa panunuyo.
Gayon man sila’y pinasunod sa talagang kaugaliang kinasanayan sa pamamagitan ng
isang pagsubok na makipagbati ng lubusan sa kani-kanilang mga kaaway, at yao’y papatawarin
nila kapwa tanda ng tunay at lubos na panunumpa na di magtataksil sa pagkakaibigan.
Ito’y siyang tinatawag na “Open Forum” ng barkadahan at ni plastik na kinatawan
ng traydor sa dark side.
Buhat nang ito’y mangyari ay umaabot na ngayon sa milyon mahigit ang lahi ni plastic ay ating pinakikisamahan sa lubos na kabaitan, ating pinagtitiyagaan at pinagkakatiwalaan, kahit maranasan natin ang kalungkutan at katrayduran; iginugugol natin ang pagod, oras at lahat ng tunay na mga kaibigan na aayaw pumayag na sa kanila’y makisama, at gayon din naman nakipagtalo tayo sa mga maka-sarili at sarado ang utak na nagbalak sumira sa barkadahan.
Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating pagsasakripisyo ang nakikitang kabutihang naidulot sa ating barkadahan? Ano ang nakikita nating pagpapakatotoo sa kanilang sinumpaan na siyang naging dahilan ng ating pagsasakripisyo! Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga sakripisyo at mga pagtupad sa kanilang sinumpaang tayo’y lalong aakayin sa kabutihan ay bagkus tayong niligaw sa kasamaan, hinawa tayo sa kanilang hamak na asal, pilit na winasak ang mahalaga at mabuting ugali ng ating barkadahan; iminulat tayo sa isang maling paniniwala at inilagay sa teritoryo ng kasinungalingan ang kapurihan ng ating barkadahan; at kung tayo’y magbalak humingi ng kahit konti na pagpapaliwanag, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y irapan at siraan sa paningin ng ating minamahal na kaibigan, kakulitan at kakwentuhan. Ang bawat isang pagsamo na lumabas sa ating bibig ay sinasabi na isang masamang balak at agad itinuturing ng sa tao na kasinungalingan.
Ngayon wala nang matatawag na katotohanan sa ating barkadahan; ngayon lagi nang ginugulo ang ating isipan ng tsismis na gawa at pakana, binuo at minanipula ng makapal na mukha, sinirang mga tiwala ng mga barkadang pinag-away ng mga mapanlinlang na kaibigan; ngayon tayo’y nabubulag na sa nag-uumapaw na kasinungalingan ng traydor sa nasira na pagkakaibigan ng barkadahan, sa pag-iyak ng kaibigan na nakaranas ng back-stab na ang bawat patak ay katulad ng isang matalim na punyal, na bumabaon sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong napipigilan ng kataksilang nakasisira sa bawat magkaibigang may iniingatang sikreto. Ano ang kailangan nating gawin? Ang araw ng paghaharap na itinakda sa Silanganan, ay malinaw na lunas sa ating mga matang muntik mabulagan, ang kasinungalingan na dapat nating ituwid, ang katotohanan niya’y gamot sa ating mga pagsasama, ang tsismis na nagdulot ng kasiraang dulot sa atin ng mga plastik na kaibigan. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaasahan kundi lalo’t lalong ating sarili. Itinuturo ng pagkakaibigan, lalo’t lalong kaliwanagan at lalo’t lalong katotohanan. Itinuturo ng pagkakaibigan, na huwag nating isarado ang puso sa pagpapatawad sa nagkasala na kaibigan na hindi sinasadya at hindi intensyon ang makasakit. Itinuturo ng pagkakaibigan ang tayo’y magpakatotoo sa ating kaibigan at huwag hanapin sa iba ang ating kakulangan. Itinuturo ng pagkakaibigan ang tayo’y magpakabait, magkipagkasundo at magtulungan at nang tayo’y magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating barkadahan.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng pagkakaibigan; panahon nang dapat nating ipaalam na tayo’y may sariling damdamin, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga kataksilan at kapalaluang ani na sisira sa masinsing tabing na bumubulag sa ating pagkakaibigan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga barkadahan ang pinagbuhatan ng kanilang mga pag-aaway. Araw na itong dapat malaman na sa bawat isang kasalanan natin ay nakakasakit tayo at nagbabanta sa matibay na samahan ng pagkakaibigan na sa ati’y ipinagkaloob ng mga barkada.
Kaya, O mga kaibigan, ating pahalagahan ang pagkakaibigan na ipinagkaloob at pilit ipagtanggol sa kasinungalingan ang ating pinagsamahan sa totoo at buo na tiwala na magtagumpay sa nilalayong kabutihan ng barkadahang iniingatan.
No comments:
Post a Comment